BALER, Aurora, September 23, 2012-Makalipas ang halos tatlong lingo, muling ibinalik bilang pamprobinsyang hepe ng Aurora Criminal Investigation and Detection Team si Police Chief Inspector Heryl Bruno makaraang suspindihin at ilagay sa floating status noong Agosto 30 dahil sa akusasyong pangongotong.
Si Bruno ay ibinalik sa pwesto ni CIDG Region 3 Commander Police Senior Superintendent Emil Francisco Sharona ng hindi mapatunayan ang akusasyong pangongotong diumano nito sa mga furniture makers sa lalawigan sa rekomendasyon na rin ng dating kumander ng CIDG R3 at ngayo’y Chief Director Staff ng CIDG sa Camp Crame na si Police Senior Superintendent Rudy Lacadin.
Nag-ugat ang pansamantalang pag-alis sa pwesto kay Bruno makaraang lumabas sa isang pahayagan na may ilang miyembro diumano ng samahan ng mga furniture owners sa probinsya ang nagreklamo ng pangongotong laban kay Bruno at sa mga kasamahan nito.
Humihingi diumano si Bruno ng protection money sa mga furniture owners kapalit ng malayang paghahanap-buhay sa kabila ng umiiral na total log ban.
Sa isinagawang imbestigasyon ni Supt. Lacadin, wala diumanong katotohanan ang akusasyon laban sa CIDG-Aurora na pinatunayan rin ng pamunuan ng Furniture Owners Cooperative sa lalawigan.
Sa pulong kamakailan ng mga furniture owners na ipinatawag ni Provincial Environment and Natural Resources Officer Benjamin Miña, pinabulaanan ng mga ito na walang katotohanan ang naturang ulat at wala diumanong hinihinging salapi o anumang bagay si Bruno sa kanila.
Ikinatuwa naman ni Inspector Bruno ang muli niyang pag-upo bilang hepe ng CIDG Aurora. Patunay lamang ito diumano na malaki pa rin ang tiwala sa kanya ng kanyang mga superiors at walang katotohanan ang mapanirang bintang base na rin sa resulta ng isinagawang imbesttigasyon. (Ronald Madrid Leander)