BALER, Aurora, December 20, 2012-Umatras na sa laban sa pagka-gobernador ng lalawigan ng Aurora si Senador Edgardo J. Angara at ipinalit ang kanyang nakababatang kapatid na kasalukuyang alkade ng bayang ito.
Sa text message ng anak ni Senador na si Cong. Juan Edgardo “Sonny” Angara, kinumpirma nito ang pag-urong ng kandidatura ng kanyang ama at kinumpirma rin ito ng provincial election supervisor ng Aurora na si Atty. Gilbert Almario.
Opisyal na naghain ng kanyang withdrawal of candidacy with substitution ang Senador noong Huwebes ng tanghali sa panlalawigang tanggapan ng Commission on Election kasabay ng paghahain naman ng Certificate of Candidacy (COC) at Certificate of Nomination with Acceptance (CONA) ni Baler Mayor Arthur J. Angara.
Si Mayor Angara ay nasa huling termino bilang Punong Bayan ng Baler at makakatunggali sa pagka-Punong Lalawigan ang kasalukuyang Bise Gobernador ng Aurora na si Atty.Gerardo Noveras.
Sa kanyang facebook account, ipinahayag ng Alkalde na tinatanggap niya ang bagong hamon na ibinigay sa kanya. “Nais kong ipagpapatuloy ang aking nasimulan sa bayan ng Baler, sa aking minamahal na probinsya ng Aurora. Ang aking mga nasimulang reporma sa munisipyo ay aking susubukang gawin sa Kapitolyo,” sabi nito.
“Ako po ay opisyal na naghain ng aking candidacy para sa pagiging Gobernador ng Aurora ngayong araw, ika-20 ng Disyembre, 2012. Aking papalitan si Sen. Edong Angara bilang standard bearer ng Laban ng Demokratikong Pilipino para sa Gobernador ng Aurora,” pahayag ng Alkalde.
Wala namang ibinigay na dahilan ang mga Angara kung bakit umatras sa laban ang Senador sa pagka-gobernador ng lalawigan na hawak ngayon ng kanyang kapatid na si Gov. Bellaflor Angara-Castillo na nasa huling termino na.
Si Angara-Castillo ay naghahangad na muling bumalik sa Kamara para palitan ang kasalukuyang kinatawan ng nagiisang distrito ng Aurora na si Cong.Juan Edgardo Angara na kumakandidato namang senador sa ilalim ng Liberal Party ng administrasyon..
Ikinagulat naman ni Noveras ang naging desisyon ng Senador at hindi diumano niya ito inaasahan. “Ganun pa man, hindi pa rin ako kampante na si Mayor Angara ang kalaban ko, lalo akong magsisipag ngayon at magsisikap para manalo,” sabi nito.
Wala namang maisip na dahilan si Noveras sa pag-atras ng senador sa kanilang duwelo pero may hinala ito na tinanggap na ng mambabatas ang matagal ng iniaalok na posisyon sa kabinete ni Pangulong Noynoy. (Ronald Madrid Leander)