FORT MAGSAYSAY, Nueva Ecija, December 16, 2012- Maaaring masibak sa serbisyo ng walang anumang benepisyo ang sinumang sundalo ng 7th Infantry Division na magiging literal na abusado o lalabag sa acronym na ABUSADO (Alak, Babae, Utang, Sugal, Arogante, Droga, Others).
Sa State of the Division Address (SODA) noong Sabado ng kumander ng 7ID sa Palayan City na si BGen. Gregorio Pio Catapang, Jr. sa harap ng mga mamamahayag ng Gitnang Luzon, ipinahayag nito na sa ngayon na halos lahat ng nasasakupan ng 7ID ay insurgency free na at halos nakatutok na lamang ang kasundaluhan sa implementasyon ng programang Bayanihan, mahalaga aniya na maging maganda ang imahen ng mga kawal upang tuluyan ng matamo ang minimithing kapayapaan.
“This is what we call us people centered approached in “winning the peace” and this is one of our many contributions to the peace and development endeavors of the National Government,” sabi ni Catapang
Sinabi ni Catapang na ang mga sundalo ay maaaring maging bida o kontrabida sa isang lugar at mahalaga na maging bida ang dating ng mga ito saan man pumunta. “Kaya dapat ang sundalo ay hindi mahilig sa Alak o hindi lasenggero. Hindi rin dapat Babaero o kung binata man, dapat hindi niya paaasahin ang isang babae na kanyang papakasalan tapos iiwanan at dito maaari siyang makasuhan ng “breach of promise” na maaari niyang ikatanggal sa serbisyo.
Nagbabala rin ang Heneral sa mga sundalong may mga Utang na hindi binabayaran sa sandaling madistino sa ibang lugar at sa mga mahilig sa Sugal na nagiging dahilan para gumawa ng hindi maganda sa sandaling malulong dito.
Ang pagiging Arogante ay isinama rin ni Catapang sa kanyang ipinagbabawal na nakakasama diumano sa imahen ng mga sundalo at ang Droga na walang idinudulot na mabuti sa buhay ninuman.
Others ang huli sa ABUSADO ni Catapang na tumutukoy sa lahat ng mga illegal na gawain.
Ayon kay Catapang, dadaan sa due process ang anumang sumbong na na kanilang matatanggap at sa sandaling mapatunayan na lumabag ang isang sundalo ay agad itong tatanggalin sa serbisyo ng walang anumang benepisyo.
Sa pagbabawal sa abusado, dapat sabi ni Catapang na maging DISIPLINADO ang mga sundalo na ang ibig sabihin ay Discipline, Initiative, Service oriented, Intelligent, Progressive, Likable, Innovative, Nature-friendly, Agile, Dedicated at Others.
Maaaring isumbong sa kanilang kumander ang sinumang sundalo na magiging abusado ani Catapang at kung hhindi kuntento sa aksyon na ginawa ng kanilang pinuno ang nagrereklamo ay maaaring dumerekta sa mga 7ID o tumawag at magtext sa kanilanng hotline na 09424757903,09292478527 at 0906346675. (Ronald Madrid Leander)