CABANATUAN CITY – Kinondena ng Central Luzon Media Association ang isa na namang insidente ng pagpaslang sa kagawad ng media sa lungsod na ito noong Huwebes ng umaga.
Kinilala ng mga otoridad ang biktima na si Julius Causo, 51 anyos, reporter-anchor ng AM station na DWJJ, executive vice president ng Nueva Ecija Press Club at miyembro ng CLMA.
Sa paunang imbestigasyon, si Causo ay binaril sa likod ng nakamotorsiklong gunman habang nakasakay sa kanyang motorsiklo at patungo sana sa istasyon ng radyo.
“Kinokondena namin ang pagpatay na ito sa aming kasamahan na si Julius Cesar Causo. Isa lamang si Causo sa maraming hanay ng media na pinaslang at sumisigaw ng katarungan,” pahayag ng kasalukuyang pangulo ng CLMA na si Tony Arcenal,
Umaasa si Arcenal na magkakaroon ng katarungan ang pagpatay kay Causo at hindi matatapos sa imbestigasyon lamang.
Maliban sa CLMA, kinondena rin ng Malacañang ang pagpaslang kay Causo at siniguro na masusing iimbestigahan ng mga otoridad ang krimen.
“Kinokondena namin ang pag-atake laban sa brodkaster ng radyo,” sabi ni presidential spokesperson Edwin Lacierda.
“Kilala na ng mga pulis ang gunman at nagsasagawa na sila ng manhunt ngayon,” dagdag nito.
Nagbuo na ang pulisya ng Nueva Ecija ng provincial Task Force Causo para magsagawa ng malalimang imbestigasyon at humanap ng posibleng solusyon sa kaso.
Maging ang National Press Club at National Union of Journalists in the Philippines (NUJP) ay kinondena na rin ang pagpatay na nagdala sa bilang na 14 na kagawad ng media na pinatay sa panahon ng adminstrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.
Sinabi ni Nonoy Espina ng NUJP na si Causo ay panglima ngayong taon at pang-154 na kagawad ng media na pinatay mula noong 1986.
Ayon kay Espina, ang kabiguan diumano ng gobyerno na mahuli ang mga salarin sa pagpaslang sa mga media ang dahilan ng patuloy na pagtaas ng bilang ng katulad na mga insidente. (Ronald Madrid Leander)