Wednesday, August 29, 2012

LAUREL COMMEMORATIVE STAMP LAUNCHING, PANGUNGUNAHAN NI VILLAR


MANILA, Agosto 29, 2012Pangungunahan mamayang alas- singko ng  hapon ni  Nacionalista Party president Sen. Manny Villar ang pormal na paglulunsad sa  commemorative stamps bilang pagpupugay at pagkilala sa namayapang Speaker Jose B. Laurel Jr.
 
            Iginiit ni Villar, chairman ng  Speaker Laurel Foundation na ang naturang paglulunsad kasabay ng ika-100 na kaarawan ni Laurel ay isa sa mga paraan upang kilalanin at pahalagahan ang mga nagawa nito para sa bansa.
 
 “Napakataas ng aking pagkilala at matindi ang aking paghanga kay Speaker Laurel. Ginagawa naming mga Nacionalista na sukatan ng aming mga sarili ang mga prinsipyo at nagawa niya para sa bayan,” ani Villar.
 
            Ang nasyonalismo at alab ng pagmamahal ni laurel sa bayan ay sumasalamin sa mga katangian ng kanyang namayapang ama na si President Jose P. Laurel. Sinabi ni Villar na ang mga katangiang ito ang isinasabuhay ng Nacionalista Party, ang pinakamatandang partido pulitikal sa Pilipinas.
 
            Si Speaker Jose Laurel na tubong  Tanauan, Batangas,  ay isa sa mga pinagpipitagang kasapi ng NP. Hawak niya ang karangalan bilang kaisa-isang lider ng bansa na naluklok ng tatlong termino bilang Speaker ng kamara.
 
            Siya ang pinakabatang kasapi ng kauna-unahang kongreso ng Pilipinas at inakda ang maraming mahalagang batas kabilang na ang Retail Trade Nationalization Act of 1955 at  1969 Magna Carta of Social Justice and Economic Freedom. Naglingkod siya bilang mambabatas sa loob ng 31 taon.
 
Sa ilalim ng liderato ni Pangulong Corazon Aquino, itinalaga si Laurel sa Constitutional Commission na nagbalangkas sa 1987 Constitution. Siya din ay bantog bilang isa sa mga may-akda sa “Filipino First” policy na nakasaad sa Saligang Batas. Siya ay namatay noong  March 11, 1998 sa edad na 85.
 
Bilang pagkilala kay Laurel, inakda ni  Villar ang Senate Bill No. 1217 na naglalayong pangalanan bilan Speaker Jose B. Laurel Jr. Highway ang national highway na nagdudugtong sa mga bayan ng Talisay, Laurel at Agoncillo sa lalawigan ng  Batangas. 

No comments:

Disclaimer

Disclaimer: The comments uploaded on this blog do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of "THE CATHOLIC MEDIA NETWORK NEWS ONLINE".

Should the Philippine government legalize same-sex marriage?