BALER, Aurora, Agosto 15, 2012-Inilunsad ngayong araw ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa dito sa lalawigan bilang pagsunod sa itinakda ng batas na ang buwan ng Agosto ay para sa pagdiriwang nito.
“Mahalin natin ang ating wika bilang pagpapakita ng pagmamahal natin sa ating bansa at gawin nating pang-araw-araw ang paggamit nito sa ating buhay”, sabi ni Governor Bellaflor Angara-Castillo sa paglulunsad ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa Aurora. Ginawa ito sa panahon ng Seremonya ng Pagtataas ng Watawat ng Pilipinas sa Liwasang Pamahalaang Panlalawigan.
Kaugnay nito, bilang bahagi ng pakikiisa sa nasabing pagdiriwang, ang lahat ng mga kawani ng pamahalaan sa lalawigan ay nakibahagi at sumunod sa mga gawain ng Pamahalaang Panlalawigan. Ang mga nagsidalo sa nasabing pagdiriwang ay nagsuot ng mga katutubong kasuotan.
Alinsunod sa itinakda ng Proklamasyon Blg. 1041, s. 1977, na nagpapahayag ng taunang Buwan ng Wikang Pambansa tuwing Agosto 1-31 at sa Memorandum Sirkular Blg. 2012-106 ng Kagawaran ng Interyor at Lokal na Pamahalaan (DILG) na inaatasan ang lahat ng lokal na Pamahalaan na ipagdiwang ang Buwan ng Wikang Pambansa 2012 na may paksang : “Tatag ng Wikang Filipino, Lakas ng Pagka-Pilipino.” Ang mga layunin ng pagdiriwang sa taong kasalukuyan ay lalong mapalakas ang wikang Filipino bilang wikang pambansa at panlahatang wika para mapalakas at mapatatag ang Sambayanang Pilipino.
Dumalo sa nasabing paglulunsad ang Pangrehiyong Director ng DOLE na si G. Raymundo G. Agravante, Prof. Ronald Gonzales kinatawan ng UNESCO, G. Antonio M. Mutuc Jr. ng DOLE, LTC Kurt A. De Capia, ang Battalion Commander ng 48th IB na binigyan ng plake ng pagkilala sa kanyang pangunguna sa mga ‘Youth Leadership Summit’, at ang mga kawani ng pamahalaang panlalawigan at nasyonal. (Jojo S. Libranda)
No comments:
Post a Comment