Friday, August 10, 2012

School Building na Produkto ng Bayanihan Naipasakamay na sa Villa Bacolor Elementary School, Tarlac City


TARLAC, August 10, 2012-Pormal nang itinurn-over sa pamunuan ng Villa Baclor Elementary School , Tarlac City ang 4 room school building na produkto ng pagbabayanihan ng ABS-CBN Foundation Incorporated, Sandatahang Lakas ng Pilipinas at mga mamamayan sa Barangay Villa Bacolor.

Ang turn-over ceremony ay ginanap noong ika-7 ng Agosto taong kasalukuyan sa Villa Bacolor Elementary School covered court na dinaluhan ng mga opisyal ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa pangunguna ni Lieutenant General Anthony Alcantara, Commander ng Northern Luzon Command; Major General Allan Luga, Division Commander, 7th Infantry Division, Philippine Army; Colonel Demosthenes Santillan, Brigade Commander, 54th Engineer Brigade, Philippine Army; Lieutenant Colonel Rommel Hinlo, Battalion Commander 522 Engineer Construction Battalion, Philippine Army; Lieutenant Colonel Ernesto Torres Jr, Battalion Commander, 3rd Mechanized Infantry Battalion, Light Armor Division, Philippine Army; Miss Terry Aquino, Public Service Officer, ABS-CBN Regional Network Group, Dagupan City; Mr. Earl Bacabac, Social Development Manager ng ABS-CBN Foundation Incorporated, mga kinatawan ng Department of Education sa Tarlac, Barangay Officials sa pamumuno ni Barangay Chairman Jose Lising, mga guro sa pamumuno ni Mr. Alvin Hulipas, Principal, mga mag-aaral, mga mamamayan sa nasabing barangay at iba pang mga bisita.

Damang dama ang galak at tuwa ng lahat ng lumahok sa nasabing seremonya at naging  kasangkapan upang maipatayo ang nasabing proyekto na akala ng mga mamamayan ay hindi maisasakatuparan.

Ayon kay Barangay Chairman Jose Lising ng Villa Bacolor, limampung taon ang kanilang hinintay bago nagkaroon ng panibagong silid aralan ang nasabing paaralan at naging sagot sa kanilang panalangin ang tulong ng ABS-CBN Foundation at mga kasundaluhan bagamat naging emosyonal ito dahil sa labis na tuwa sa nasabing proyekto.

Ihinayag naman ng mga kinatawan ng ABS-CBN Foundation na sila at ang kanilang organisasyon ay ginawang kasangkapan o tulay lamang ng kanilang mga donors upang makapagbigay ng proyekto na higit na pakikinabangan ng komunidad.

Sabi naman ng mga kinatawan ng Tarlac Schools Division na sina Mr Renato Cabarios at Miss Minviluz Mendoza mas madali nang makamtan ang dekalidad na edukasyon dahil sa mga silid aralan na ipinagkaloob at nabago rin ang pagtingin ng mga tao sa mga sundalo dahil noon ay kinakatakutan ngunit sila pala ay nakahandang maglingkod sa anumang paraan para sa mga mamamayan.

Ayon naman kay Colonel Santillan, Brigade Commander ng 54th Engineer Brigade, ang gusali ay buhay na testamento ng pagkalinga at pagmamahal ng mga kasapi ng AFP sa mga mamamayan at sila ay kabahagi ng pagpapatupad ng mga proyektong pangkaunlaran at kapayapaan ng bayan.

Aniya, napakalaking karangalan bilang mga kawal na maging parte ng proyekto at umaasa ito na mas marami pang proyekto ang magagawa nila sa Tarlac dahil ang gusali na itinayo sa Villa Bacolor ay pangalawa pa lamang, ang una ay sa bayan ng Camiling.

Hinikayat naman ni Major General Allan Luga ng 7th Infantry Division ang lahat ng mamamayan na pagyamanin ang diwa ng bayanihan at ang pagsasagawa ng proyekto sa lugar ay isang hudyat para sa magandang simula at mas maayos pang pakikisama ng bawat isa.

Ibinahagi rin ni Mr. Alvin Hulipas ang kalunos lunos na sitwasyon ng paaralan kung saan nasa limang lumang silid aralan lamang ang ginagamit ng halos tatlong daang mag-aaral ng mahabang panahon at nagsilbing hamon ito para sa kanya na gumawa ng paraan upang maitaas ang antas ng edukasyon sa pinamumunuan nitong paaralan at biyaya sa kanila ang pagpapatayo ng gusali.

Binasbasan ni Reverend Father Cris Lozano ang gusali habang namigay ng mga regalo ang ABS-CBN Foundation sa mga mag-aaral.

Umabot sa dalawang milyong piso ang nagamit na pondo sa pagpapatayo ng gusali.





No comments:

Disclaimer

Disclaimer: The comments uploaded on this blog do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of "THE CATHOLIC MEDIA NETWORK NEWS ONLINE".

Should the Philippine government legalize same-sex marriage?