Wednesday, September 5, 2012

Trillanes, pinuri ang Smart-Gilas

MANILA, Setyembre 6, 2012-Pinuri ni Senador Antonio "Sonny" F. Trillanes IV ang pagkapanalo ng Smart-Gilas Pilipinas sa katatapos na 34th William Jones Cup sa Taiwan.

Sa inihain nitong Senate Resolution 8555 na inaprubahan ng Senado noong ika-4 ng Setyembre, tinawag ni Trillanes na "makabuluhan at makasaysayan" ang nangyari dahil ito ang unang kampeonato ng koponan ng Pilipinas matapos ang 14 na taon.

"Ang husay na ipinakita ng ating Philippine team upang makuha ang tagumpay ay isang makabuluhan at makasaysayang pagkapanalo dahil ibinalik nito ang Philippine basketball sa dati nitong estado – isang dominanteng pwersa sa Asian basketball,” ani Trillanes.

Natalo ng Smart-Gilas ang koponan ng Estados Unidos sa iskor na 76-75 sa William Jones Cup finals na idinaos noong Agosto 26 sa Tapei, Taiwan. Ito ay ika-apat na panalo ng bansa sa nasabing torneo matapos ang Northern Consolidated Cement team noong 1981, San Miguel team noong 1985 at Philippine Centennial team noong 1998.

Binati ni Trillanes ang coaching staff, opisyal at miyembro ng basketball team ng Smart-Gilas.

Ang 2012 Philippine team ay pinamunuan ni coach Chot Reyes at binubuo ng mga propesyunal na manlalarong sina Enrico Villanueva (Barangay Ginebra), Gabe Norwood (Rain or Shine), Gary David (Powerade), Jeff Chan (Rain or Shine), LA Tenorio (dating taga-Alaska na ngayon ay Ginebra na) Larry Fonacier (Talk N’ Text), Mac Baracael (Alaska), Ranidel De Ocampo (Talk N’ Text), Sol Mercado (Meralco), Sonny Thoss (Alaska), Marcus Douthit, Matt Rosser at Garvo Lanete ng San Beda.

No comments:

Disclaimer

Disclaimer: The comments uploaded on this blog do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of "THE CATHOLIC MEDIA NETWORK NEWS ONLINE".

Should the Philippine government legalize same-sex marriage?