DINALUNGAN, Aurora – Nagkasigawan at tumaas ang tensyon ng sitahin noong Hwebes ng umaga ng mga otoridad ang isang dayuhang barko na humimpil sa baybayin ng bayang ito.
Sa panayam kay Municipal Environment and Natural Resources Office chief Rachelle Robert, nagtungo sila sa naturang barko kasama ang mga operatiba ng Philippine Navy, Philippine Coastguard, Philippine National Police, Bantay Dagat at mga lokal na opisyales para alamin ang dahilan ng pagdaong nito malapit lamang sa Dinalungan Fish Sanctuary pero tumanggi diumano na lumabas at makipag-usap ang mga sakay ng napag-alamang Panamiam cargo vessel na may pangalang “Hua Wen”.
Ayon kay Robert, sa halip na makipag-usap, itinaas pa diumano ng mga tripolante ang mga angkla ng barko ay pinaandar ang makina nito at tangkang aalis pero agad kumilos ang mga kagawad ng Philippine Navy at itinali ang kanilang barko sa cargo vessel.
Makaraan ang mahabang usapan sa pamamagitan ng radyo, naakyat rin ng grupo ang cargo vessel at nabatid na nagkanlong lamang ito sa naturang lugar dahil sa sama ng panahon.
Napag-alaman rin na Taiwanese national ang mga crew ng barko at puno ito ng nickel at ore na buhat pa diumano sa bansang Indonesia.
Hindi naman kumbinsido si Robert na buhat sa Indonesia ang nickel at ore na lulan ng barko, hinala nito, buhat lamang ang naturang mina sa Dinapigue, Isabela na kasalukuyang may operasyon ng mina sa pamamagitan ng Geo Gen Mining Corporation.
Napag-alaman pa na noon pang Martes nakadaong ang barko sa naturang lugar na ikinaalarma ng taong bayan na nag-akalang nangunguha ito ng black sand.
Nabatid rin kay Robert na tinangka na nilang akyatin noong Miyerkoles ang barko kasama ang PNP, Bantay Dagat, mga lokal na opisyales at ilang mga mangingisda pero nabigo sila kaya humingi na ang mga ito ng tulong sa Philippine Navy na agad namang kumilos. (Ronald ML)
No comments:
Post a Comment