Tuesday, August 13, 2013

AURORA, HINAGUPIT NI LABUYO, 3 PATAY

BALER, AURORA – Ang lalawigan ng Aurora ang isa sa pinakamatinding sinalanta ng  bagyong Labuyo kung saan nagiwan ito ng tatlong patay at mahigit kalahating bilyong piso ang winasak na ari-arian at pananim at halos labingdalawang libong pamilya ang naapektohan.
 
Sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ng Aurora, kinilala ang tatlong nasawi na sina Romeo Gomez, 74 anyos at Samson De Mate, 47 anyos, kapwa mga mangingisda at residente ng Brgy. Esteves, Casiguran Aurora at si Ronald Borja, 27 anyos ng Butas na Bato, Dingalan, Aurora. 
 
Naisolate rin ang tatlong bayan sa Hilagang Aurora na kinabibilangan ng Dinalungan, Casiguran at Dilasag dahil sa mga landslides, pag-apaw ng mga ilog at sapa sa kahabaan ng Baler-Casiguran road at naputol ang kalsada sa bahagi ng Sitio Minanga,  Brgy. Calanguasan, Casiguran, mga dalawang kilometro ang layo sa poblacion ng naturang bayan.
 
Personal na pinangasiwaan ng Regional Director ng Department of Public Works and Highway-Region 3 na si Engr. Antonio Molano at ng District Engineer ng Aurora Engineering Disrict na si Reynaldo Alconcel ang clearing operations sa daan patungo sa Hilagang Aurora hanggang sa maayos at maging passable.
 
Maging ang daan na Baler-Bongabon , Nueva Ecija zigzag road ay nagsara rin dahil sa landslides at paglalim  ng Villa Aurora river at ang daan patungo sa Isabela na Dinadiawan-Maddela-Quirino road.
.
Nawalan rin ng signal ang Globe at Smart at nagbagsakan ang mga poste at linya ng Aurora Electric Cooperative, Inc. (AURELCO) sa naturang lugar. Sinikap ng sumulat na  kunin ang pahayag ng pamunuan ng  AURELCO hinggil sa laki ng pinsala pero wala diumano ang mga opisyales nito at nag-iinspection sa Hilagang Aurora.
 
Sa aerial inspection na isinagawa ng mga otoridad sa Casiguran at Dinalungan Aurora dalawang araw matapos ang pananalasa ng bagyo, natambad ang bangis ni labuyo sa naturang mga bayan. Maraming bahay ang winasak at nawalan ng bubong at hindi rin pinaligtas ang mga eskwelahan at maging ang nag-iisang pagamutan sa naturang lugar na Casiguran District Hospital ay tinuklap rin ng malakas na hangin ang malaking bahagi ng bubong.
 
Kasama rin sa mga hinagupit ng bagyo ay ang Patrol Gunboat ng Philippine Navy na PG 377 Liberato Picar na naalis sa pagkaka-angkla sa Casiguran Port sa Brgy. Dibacong at isinadsad sa dalampasigan hindi kalayuan sa naturang pantalan.
 
Sa panayam sa telepono kay Commander Levi Carane, ang Civil Military Operations chief ng Naval Forces Northern Luzon, Philippine Navy, sinabi nito na ang insidente ng pagkasadsad ng barko sa dalampasigan ay force majeure o dulot ng bagsik ng kalikasan.
 
Pinabulaanan rin nito ang sinasabi ng ilang residente sa lugar na iniwan ng mga tauhan ng PN ang barko noong kasagsagan ng bagyo kaya ito natanggal sa pagkaka-angkla.
 
Hindi diumano ito maaaring iwan dahil mahalaga ang barko at maraming mahahalagang gamit sa loob.
 
Sinabi rin nito na walang malaking sira ng barko at  minor damage lamang ang tinamo nito.
 
Ang barko ang inaasahan sana na magdadala ng mga relief goods sa Hilagang Aurora noong ma-isolate ang tatlong bayan subalit pilit diumanong inilihim ng mga tauhan ng Phil. Navy ang nangyari dito at nakita lamang ng mga media na nakasadsad sa dalampasigan kaya nabunyag ang kinahinatnan nito.
 
Samantala, patuloy ang pagdagsa ng mga tulong partikular ng mga bigas, bottled water at iba’t-ibang relief goods sa lalawigan matapos ang pananalasa ng bagyong Labuyo noong Linggo ng madaling araw.
 
Sa eksklusibong panayam sa provincial administrator ng Aurora na si Engr. Simeon De Castro, sinabi nito na nagpadala sila agad ng mga relief goods sa naturang mga bayan at patuloy pa ring naghahanda ng mga karagdagan makaraang isailalim sa state of calamity ang naturang tatlong bayan.
 
Nanawagan naman si Gobernador Gerardo Noveras sa mga kababayan nito partikular sa mga nakatira sa Gitnang Aurora na magbigay ng tulong sa mga kababayang sinalanta ng bagyo sa Northern Aurora.
 
Sa pinakahuling tala ng Provincial Social Welfare and Development Office ng Aurora habang sinusulat ang balitang ito, umabot na sa 11,757 na pamilya ang naapektohan ni Labuyo na may kabuuang 54,821 katao at umaabot na sa halos P700,000 (690,900.00) ang halaga ng naipamimigay na mga relief goods sa mga naapektohang pamilya buhat sa gobyerno at iba’t-ibang organisasyon hindi pa kasama ang ipinamamahagi ng GMA Kapuso Foundation. (RML)

No comments:

Disclaimer

Disclaimer: The comments uploaded on this blog do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of "THE CATHOLIC MEDIA NETWORK NEWS ONLINE".

Should the Philippine government legalize same-sex marriage?