Inaasahang magiging malaking tulong ang napipintong paglabas ng pondo ng Agricultural Competitiveness Enhancement Fund (ACEF) sa mga nangangailangang maliliit na negosyante sa sektor ng agrikultura matapos mapagkasunduan ng Department of Buget and Management, Department of Finance, Department of Agriculture, at Congressional Oversight Committee on Agriculture and Fisheries Modernization (COCAFM) na mailabas na ang nasabing pondo.
Sa isang en banc meeting ng COCAFM noong Huwebes, August 16, sa Club Filipino, na pinangunahan ng Chairman ng Senate Committee on Agriculture and Food, Senador Francis “Kiko” Pangilinan, naipangako ng DBM na aasikasuhin na nila ang pag-proseso ng mga nauprabahang mga grants at loans ng ACEF. Base sa kasalukuyang patakaran ng ACEF, 60 porsiyento ng pondo ang nakalaan para sa grants, 30 porsiyento para sa pautang, at 10 porsiyento naman para sa mga scholarships.
"Matagal nang nabinbin ang pondo dahil nirepaso muna natin at sinikap na maitama ang mga naging pagkakamali sa ACEF na ikinalugi nito," ani Pangilinan. "Natutuwa tayo at malinaw na ngayon na mailalabas na ang pondo para sa mga nangangailangang mga magsasaka at agri-preneurs."
Kasama rin sa nasabing pagpupulong ang mga kinatawan ng iba't ibang kooperatiba sa bansa na binigyang pagkakataon mailahad ang kanilang hinaing at pangangailangan mula sa programang ACEF.
"Layon naman talaga ng ACEF na gawing competitive ang maliliit na negosyo ng ating mga magsasaka at mangingisda upang makaahon sila at makasabay sa mga malalaking negosyante," dagdag ni Pangilinan. "Medyo nalulugi lang ang pamahalaan dahil sinamantala ito ng ibang indibidwal at grupo na di naman kwalipikado na makatanggap mula sa ACEF. Yan ang ating sinikap na maayos nang sa gayon e di naman parang gripo ang pagluwal ng pera mula sa kaban ng ACEF. At ngayon nga na mailalabas na ang pondo sa mga kwalipikado, inaasahan natin na aangat ang kita ng ating mga magsasaka at mangingisda."
Sinabi naman ni DA Secretary Proceso Alcala na sisimulan na ng kanyang tanggapan ang pagtanggap ng mga aplikante sa ACEF para sa scholarships.
"Natutuwa tayo na nagkakasundo ang iba't ibang ahensya ng pamahalaan para maiangat ang kabuhayan ng maliliit nating mga magsasaka at mangingisda," dagdag ni Pangilinan, na siya ring Chairman ng COCAFM. "Naiintindihan natin na mayroong alinlangan ang DBM dahil nga sa nangyari sa ACEF noong nakaraan. Naipaliwanag naman natin nang maigi sa kanila na maayos na ngayon ang sistema at sisiguraduhin ng COCAFM at ng DA na mapupunta ang pondo sa tamang mga kooperatiba at negosyo. Tapos na ang panahon ng panlilinlang at panloloko. Mahigpit na ang proseso. At ngayon, mailalabas na ang pondo para matugunan nag pangangailangan ng ating mga magsasaka at mangingisda."
"Ang ACEF ay isa sa mga programa natin na makakatulong ng malaki para umangat ang kita ng ating mga manggagawa sa sektor ng agrikultura at pangingisda. Ito ang dahilan kaya di natin ito isinantabi lamang. Ang pag-angat ng kita ng ating magsasaka at mangingisda ang dapat nating prayoridad. Pag lumaki ang kanilang kita, aangat ang kabuhayan sa kanayunan, at magiging progresibo ang ating bansa."
No comments:
Post a Comment