Sunday, November 24, 2013

Clark Green City, military reservation, tinutulan ng Ayta at mga magsasaka

CLARK, Zambales-Sinusuportahan ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon (Amgl), Central Luzon Ayta Association (CLAA), Anakpawis Party-list Central Luzon chapter at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan – Central Luzon) ang paglaban ng mga katutubong Ayta, mga magsasaka at mamamayan ng bayan ng Capas, sa probinsya ng Tarlak laban sa pangangamkam ng lupa at pagpapalayas ng mga pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na nakabalangkas sa Republic Act 7227 o Bases Conversion Development Act (BCDA).  Ayon sa CLAA at Amgl, ito ay bunsod ng planong 36,000 ektaryang Clark Green City na sumasaklaw mula sa Capas hanggang sa Clark Freeport Zone sa Angeles city at isinusulong ng gubyernong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino.  

Sa pangunguna ng Kilusang Nagtatanggol sa Inang Kalikasan (KNIK) mula sa probinsya ng Tarlak at binubuo ng iba’t ibang samahan ng mga katutubong Ayta, magsasaka at residente ng Capas, Bamban at iba pang bayan, malawak nitong tinutulan ang proyektong Clark Green City at ang umiiral na pangangamkam ng lupa at pagpapalayas sa mga Ayta, sa katwirang ito ay saklaw ng military reservation.  Ang KNIK ay pinapangunahan ng mga organisasyong, Pagmimiha Organization, Labayku Organization, Bamban Ayta Tribal Association, Sta. Lucia Manggahan Association, Nagkakaisang Naninirahan ng Sta. Lucia at Koalisyong Makabayan – Tarlak.
 
“Kasalukuyang niyuyurakan ng pwersa ng AFP ang karapatan sa ancestral domain, lupa at kabuhayan ng mga Ayta, magsasaka at residente ng bayan ng Capas para bigyang daan ang proyektong Clark Green City.  Patuloy ang panlilinlang ng militar na ang kalupaan ay bahagi ng military reservation, habang hinahanda ng BCDA ang proyektong Clark Green City, na walang kahulugan kundi ang pribatisasyon, malawakang land use conversion at pagbebenta ng lupa sa dayuhan at lokal na mamumuhunan.  Lantaran din nitong nilabag ang karapatan ng Ayta sa lupang katutubo at ng mga magsasaka sa tunay na reporma sa lupa,” ayon kay Joseph Canlas, tagapangulo ng Amgl.

“Sa bayan ng Capas, umaabot sa 19,972 ekt. lupa ang sinasaklaw ng military reservation na pawang mga lupang katutubo ng Ayta.  Pinalayas at patuloy na inaagawan ng lupa ang mahigit 2,000 pamilyang Ayta mula sa 30 baryo tulad ng Aranguren, O’Donnek, Maruglu, Sta. Lucia, Bueno at Sta. Juliana.  Sinaklaw ito ng military reservation ng Camp O’ Donnel kung saan 370 ekt. ang saklaw ng O’ Donnell Transmitter Station, 1,755 ekt. ng O’ Donnell excepted area, 17,847 ng Crow Valley watershed,” dagdag ni Canlas.

Ayon sa mga grupo, taong 1947 nang saklawin ang mga lupang ninuno ng Ayta bilang military reservation ayon sa Kasunduan para sa Base Militar ng Amerikano at Joint Military Agreement, na sinundan ng Mutual Defense Treaty noong 1951 sa pagitan ng Estados Amerika (US).  Ibunga nito ang pagtatatag ng 23 base militar ng US na sumaklaw sa halos 200,000 ekt. lupa sa buong bansa na umiral hanggang sa kasalukuyan.  Sa rehiyon, ang Camp O’ Donnel sa Capas, Fort Magsaysay sa bayan ng Laur sa probinsya ng Nueva Ecija, Clark Air Base sa Angeles city, Subic Freeport at San Miguel Naval Communication Station sa bayan ng San Antonio, Zambales ang karaniwang pinaglulunsaran ng military exercises ng Balikatan. 

Dagdag rito, ang BCDA na isinabatas noong 1992 para isapribado at ikumbert ang kalupaan ng mga base militar ang tumayong may kontrol sa military reservation ng Clark, Mabalacat, Bamban at Capas na umaabot sa 33,653 ektarya.  Kasunod ng pribatisasyon ng kalupaan ng Clark at Subic, isinasapribado ang lupang saklaw ng military reservation ng Clark na sumasaklaw mula Angeles city hanggang bayan ng Capas sa Tarlak, karugtong ang Camp O’ Donnell.  Ito ay tinaguriang Clark Green City ng BCDA na sumasaklaw sa 36,000 ekt. lupa, tinatayang nagkakalahaga ng P200 bilyon, at kinopya sa modelong Songdo International Business District sa Korea.  Sa lawak ng proyektong ito, sa kasalukuyan ay inaagawan ng lupang ninuno at pinapalayas ang mga Ayta at nanganganib ang kabuhayan ng mga magsasaka.

Ang proyektong Clark Green City ay nakabalangkas sa pambansang programa ng pangulong BS Aquino na Public-Private Partnership (PPP), kung saan magkukutsabahan ang pribadong sektor at gubyerno para pagkakitaan ang mga likas na yaman ng bansa, tulad ng malalawak na lupa.  Isang matingkad na bahagi nito sa rehiyon ang Metro-Luzon Urban Beltway (MLUB) na binuo ng mga superhighway tulad ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEx), Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEx), Central Luzon Expressway (CLEx) at North Luzon East Expressway (NLEx East).  Kasama rin dito ang Capas - Botolan road para bigyang daan ang paghuthot sa likas na yaman ng Tarlak at Zambales. Malinaw na ang proyektong ito ay naglalayong pabilisin ang panghuhuthot ng yaman ng rehiyon, pagkakitaan ang malalawak na lupa at samantalahin ang lakas-paggawa ng masa.  

“Kasabay ng pangangamkam ng lupa at pagpapalayas, tumataas din ang bilang ng paglabag sa karapatang pantao sa mga katutubong Ayta, mga magsasaka at mamamayan ng Capas. Ilan dito ay pagtatakda ng BCDA at AFP sa mga katutubong Ayta ng hanggangan sa pangangaso at pagsasaka; pagbabakod sa kanilang lupain; pagbabawal ng pagkakaroon ng kagamitan para sa pangangaso; pagbabawal sa mga materyales panggawa ng bahay; pagpapatupad ng curfew; pinagbibintangang mga kasapi o tagasuporta ng New People’s Army (NPA); pagkukumpiska sa kanilang mga trosong pangkabuhayan; pananakit, pagtutok ng mga baril at harasment sa kanila ng mga militar. Gayundin, nakaramdam ng panganib ang mga katutubong Ayta tuwing Balikatan exercises dahil sa walang pakundangang pagbobomba ng sundalong Amerikano at Pilipino. Sa kasalukuyang rehimen, ang lahat ng ito ay nakapakete sa kontra-insurhensyang programang Oplan Bayanihan ni BS Aquino para protektahan ang kanilang interes sa mga proyekto ’’.

“Sa pagpapatupad ng proyektong ito, nagkukutsabahan si BS Aquino at imperyalismong US para kumita ng limpak-limpak na tubo mula sa likas na yaman ng Capas, Bamban, Angeles City, Mabalacat at buong bansa. Sa ganitong kalagayan, lalala ang problema sa kawalan ng lupa sa bansa dulot ng monopolyong kontrol ng lokal at dayuhang mamumunuhan sa malalawak na lupaing agrikultural kasabay ng mga patakarang neo-liberal na kailanma’y hindi nagsilbi sa interes ng mga katutubong Ayta, mga magsasaka at mamamayan sa bansa”, banggit ni Roman Polintan, Tagapangulo, Bayan-CL. 

“Partikular sa Capas, naglalaway si Aquino na tuluyang maapaalis ang mamamayan sa lugar dahil mayaman ito sa manganese, ginto at magnetite. Ayon sa lokal na gubyerno ng Capas, aabot sa 190,000 metriko toneladang mamiminang manganese. Ibig sabihin, kagaya sa Zambales na talamak ang pagmimina ng mga dayuhang korporasyon, awtomatikong mawawalan sila ng lupa, kabuhayan at tirahan, gayundin pagkasira ng likas na yaman na posibleng magdulot ng pagbaha,” dagdag ni Polintan. 

“Kung kaya’t,  ang mga ipinapangalandakang batas ni BS Aquino para diumano sa interes ng mga katutubong Ayta at mga magsasaka katulad ng Indigenous People’s Rights Act (IPRA), Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPer) ay pawang mga instrumento para sila’y linlangin at agawan ng lupa,” ani Polintan.

“Sa kasalukuyan, aktibong lumalahok ang mamamayan ng Capas, Bamban, Mabalacat at Angeles City para labanan ang kumbersyon ng military reservation para maging bahagi ng Clark Green City at iba pang pagpapalit-gamit nito. Naninindigan na tanging sa sama-samang pagkilos makakamit ang karapatan sa lupa at tuluy-tuloy na pag-akses sa likas na yaman ng lugar”.

“Kaugnay nito, mariing kinokondena at nilalabanan ang mga hakbang ng BCDA at pagbabasura sa RA 7727 o ang Bases Conversion and Development Act of 1992. Mariing kinukundena ang panghihimasok ng pwersang Amerikano katulad ng balikatan exercises at rotational Exercises ng US sa bansa na walang ibang interes kundi pagyurak sa pambansang soberanya,” pagtatapos ni Polintan. (AMGL)

No comments:

Disclaimer

Disclaimer: The comments uploaded on this blog do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of "THE CATHOLIC MEDIA NETWORK NEWS ONLINE".

Should the Philippine government legalize same-sex marriage?