LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Agosto 11, 2012-Tiniyak ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na makakatanggap ng ayudang pagkain ang bawat pamilyang binaha dahil sa hanging Habagat, sila man ay inilikas sa mga evacuation centers o naiwan sa kani-kanilang mga tirahan.
Ayon kay Bise Gobernador Daniel Fernando, “ito ang direktiba ng ating Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado para matiyak na walang pamilyang Bulakenyong magugutom ngayong panahon ng kalamidad. Kaya kami sa Sangguniang Panlalawiagn, nagkaisa kami na pagtibayin ang deklarasyon ng State of Calamity upang ma-maximize ang paggamit ng Calamity Fund para marami ang matulungan agad.”
Sa pinakahuling tala ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC), halos 100 libong pamilya na katumbas ng nasa 500 libong indibidwal ang direktang naapektuhan ng malawakang pagbabaha sa 21 bayan at tatlong lungsod sa Bulacan.
Kaugnay nito, may nauna nang ipinagkaloob si Pangulong Benigno Simeon ‘Noynoy’ Aquino III na mahigit 2000 na family food packs sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipinamahagi sa Paombong at lungsod ng Malolos. Ayon kay Rizalina Carpio, Project Development Officer ng DSWD sa rehiyon ng gitnang Luzon, bawat isang family food pack na ipinamahagi sa mga binaha ay nagkakahalaga ng P250.00. May laman itong tatlong kilong bigas, pitong pakete ng noodles, limang lata ng corned beef, anim na lata ng sardinas at anim na pakete ng 3 in 1 na kape.
Bahagi ito ng P6 bilyong calamity fund ng bansa na inaprubahan kamakailan ng Pangulo upang agad na matulungan ang mga biktima ng malawakang pagbabaha.
Iba pa rito ang mahigit 4000 na relief goods na ipinamahagi na ng pamahalaang panlalawigan. Tiniyak naman ni DSWD Secretary Corazon ‘Dinky’ Soliman na patuloy pang magpapadala ng mga ayudang pagkain ang pamahalaang nasyonal upang maseguro na lahat ng mga binahang Bulakenyo ay makatikim ng pagtulong at tunay na pag-alalay ng pamahalaan. (Shane Frias Velasco)
No comments:
Post a Comment