Saturday, August 11, 2012

PNoy, naghatid ng tulong samga biktima ng baha sa Malolos at Paombong


LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Agosto 11, 2012-Bagamat dumanas ng matinding kalamidad sanhi ng malalakas na pag-uulan nitong nakaraang mga araw na nagdulot ng malawakang pagbabaha, lubos ang kagalakan at pag-asa ang mga mamamayan ng lungsod ng Malolos at bayan ng Paombong matapos na personal na bumisita at hatiran ng tulong ni Pangulong Benigno S. Aquino III kahapon ang mga residente ng dalawang nabanggit na lugar.
 
May 399 pamilya na may kabuuang 1,846 katao ang kasalukuyang nanunuluyan sa City of Malolos Integrated School bilang evacuation center ang tumanggap ng mga relief ng goods mula mismo kay Pangulong Aquino.
 
Sinabi ng Pangulo na tuwina niyang binabasa ang mga ulat na isinusumite sa kanya at sinabing ang lahat ng ahensya ay kumikilos araw at gabi upang malutas ang kasalukuyang problema.
 
Ayon pa kay Aquino, kinakailangan ng P2 bilyon para sa mga malalaking proyektong tutugon sa problema sa baha, partikular na sa mga lugar gaya ng Valenzuela-Obando-Meycauayan o ang proyektong VOM. Idinagdag din niyang paiigtingin ng pamahalaan ang national greening program upang maiwasan ang pagguho ng kabundukan na siyang pangunahing dahilan ng pagpuputik at pagbaha.
 
Gayundin, sinabi ng Pangulo sa mga Maloleño na nakikipag-ugnayan na si Public Works and  Highways Secretary Rogelio Singson na iniluklok bilang “water czar” ng bansa sa mga lugar na apektado ng baha upang asikasuhin ang pinsalang tinamo dala ng matinding pagbaha.
 
Sa pag-uusap naman nina Bulacan Governor Wilhelmino Sy-Alvarado at Kalihim Singson, hiniling nitong tipunin ang komite ng imprastraktura ng Regional Development Council sa Central Luzon matapos imungkahi ng kalihim ang pagbuhay muli sa Pampanga River Control System (PRCS), isang dibisyon ng DPWH na siyang titingin sa paghuhukay sa mga kailugan at pagmimintina ng flood control systems sa Central Luzon.
 
Nabuwag ang PRCS upang magbigay daan sa pagbuo ng Mt. Pinatubo Commission upang masagip ang lungsod ng San Fernando, Pampanga at iba pang lugar na lubhang naapektuhan ng pagputok ng Mt. Pinatubo noong 1991.
 
Sinabi din ni Alvarado kay Singson na sa panahon ni dating Pangulong Cory Aquino, hindi dumanas ng matinding baha ang lalawigan ng Bulacan dahil sa PRCS. 
 
Ipinaliwanag naman ng gobernador kay Pangulong Aquino ang kasalukuyan lagay ng baha sa Bulacan partikular na ang mga back flood na bumababa ngayon sa mga bayan ng Calumpit at Hagonoy gayundin ang lagay ng tatlong malalaking dam sa lalawigan, ang Angat, Ipo at Bustos dam. Idinagdag din niyang ginagarantiya ng mga opisyal ng Angat dam na hindi sila magpapakawala ng sobrang tubig upang hindi na makadagdag pa sa dinaranas na baha ng mga nasabing bayan.
 
Samantala, ipinag-utos naman ng gobernador ang agarang pamamahagi ng tulong kasabay ng cleanup drive kahapon, ika-10 ng Agosto kung saan 18, 150 na pamilya sa Marilao, Meycauayan at Bocaue ang nabahaginan ng relief goods.
 
Gayundin, iniutos kay Provincial Public Health Officer Dr. Jocelyn Gomez na dagliang magsagawa ng medical mission sa mga apektadong lugar sa lalawigan.
 
Matapos mamahagi ng tulong sa Malolos, tumuloy ang Pangulo at mga kasama sa bayan ng Paombong upang magsagawa ng parehong programa. Ang Paombong ay isa ring bayan na dumanas ng matinding baha mula pa noong Martes.
 
Katulong  ng Pangulo sa pamamahagi ng relief goods sina Sec. Singson, Department of Social Welfare and Development Sec. Corazon “Dinky” Soliman, Technical Education and Skills Development Authority Sec. Joel Villanueva, mga lokal na opisyal sa lalawigan sa pangunguna ni Alvarado, Bise Gob. Daniel Fernando, Cong. Marivic Sy-Alvarado, Mayor Christian D. Natividad, Vice Mayor Gilbert Gatchalian at mga kasapi ng sangguniang panlalawigan at lungsod.

Kasama rin dumalaw ni Pangulong Aquino sina CIBAC partylist Rep. Sherwin Tugna, Department of Interior and Local Government Jesse Robredo, Department of Energy Secretary Jose Rene Almendras at Presidential Communications Development and Strategic Planning Secretary Ricky Carandang. (Vinson Concepcion)

No comments:

Disclaimer

Disclaimer: The comments uploaded on this blog do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of "THE CATHOLIC MEDIA NETWORK NEWS ONLINE".

Should the Philippine government legalize same-sex marriage?