LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Agosto 11, 2012-Iniutos ni Pangulong Benigno Simeon ‘Noynoy’ Aquino III na pag-ibayuhin ang implementasyon ng National Greening Program sa Bulacan upang mahinto ang pagbagsak ng lupa mula sa mga kabundukan na nagdudulot ng pagbabaw sa mga ilog.
Sa ginanap na pamamahagi ng Pangulo ng mga family food packs sa mga binahang residente sa Paombong dahil sa hagupit ng habagat, ipinaliwanag nito na bukod sa malakas na buhos ng ulan, pangunahing dahilan din ang pagbabaw ng maraming mga ilog sa Bulacan.
“Kung matataniman ang mga kabundukan dito sa Bulacan ng mga malalaking puno, may ugat na kakapit sa lupa upang hindi magka-landslides na napupunta ang mga gumuhong lupa sa mga ilog kaya mahina ang water capacity kapag nagkaroon ng bagyo o tag-ulan,” ani ng Pangulo sa libu-libong Bulakenyong nabiyaan ng ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Unang kinonsepto ang malawakang pagtatanim ng puno sa buong bansa noong 2006 nang ilunsad ang Green Philippines Program ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Ginawa naman itong komprehensibo ng Pangulo nang lagdaan niya ang Executive Order no 26 na nag-uutos sa lahat ng mamamayan ng Pilipinas, saan mang sektor kabilang, na magtanim ng tig-10 punla ng puno sa ilalim ng National Greening Program. Layunin nito na matamo ng Pilipinas ang 1.6 bilyong mga bagong puno pagsapit ng 2016.
Ikinagalak naman ito ng sektor ng mga Bulakenyong may adhikaing pangkalikasan, ayon kay Dr. Reynaldo S. Naguit, pangulo ng Buklurang Biak na Bato Inc., na may proyektong Rainforestation sa kabundukan ng Biak na Bato sa bayan ng San Miguel at Donya Remedios Trinidad, Bulacan o ang pagtatanim ng mga katutubong puno “sa utos na iyan ng Pangulo, maliwanag na sinsero siya sa pagmamalasakit at pangangalaga sa kalikasan. Kaya mahalaga na magkaroon ng papel ang bawat mamamayan at lalong mapapabuti ito kung katutubong puno ang ating itatanim para bumalik ang balanseng ekolohikal ng ating mga kagubatan.” (Shane Frias Velasco)
No comments:
Post a Comment