LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Agosto 11, 2012-Tuluy na tuloy na ang pagsasakatuparan ng proyektong Valenzuela-Obando-Meycauayan (VOM) Flood Control Project ngayong ipinapalabas na ni Pangulong Benigno Simeon ‘Noynoy’ Aquino ang pondong P2.2 bilyon upang agad na masimulan ito.
Sa kanyang pagbisita sa bayan ng Paombong upang kamustahin ang mga biktima ng malawakang pagbaha dahil sa hanging Habagat, inanunsyo ng Pangulo na agad niyang pasisimulan ang proyekto ngayong taon upang matapos sa 2016 o bago siya bumaba sa pwesto. “May kakayahan ang gobyerno ngayon na alalayan kayo sa panahon ng kalamidad at lalong may pondo na tayo para isakatuparan ang mga imprastrakturang kailangan upang tuluyang resolbahin ang problema sa malawakang pagbabaha,” ani Pangulong Noynoy.
Matatandaan na taong 2001 unang kinonsepto ang proyektong VOM sa tulong ng Japan International Cooperation Agency (JICA) at Japan Bank for International Cooperation (JBIC). Layunin nito na idugtong sa katatayo pa lamang na CAMANAVA (Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela) Flood Control Project ang VOM upang hindi bahain ang mga bayan na nasa baybayin ng Manila Bay.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson, ang CAMANAVA at VOM ay kapwa proyekto kung saan magtatayo ng matitibay, malalaki at makakapal na dike. Bahagi rin ng komposisyon ng proyekto ang mga malalaki at modernong pumping station na magbobomba ng sobrang tubig patungong Manila Bay sa tuwing bubuhos ang malakas na ulan.
Para naman kay Gobernador Wilhelmino Sy-Alvaradp ng Bulacan, “isang welcome development ito dahil pagkaraan ng 12 taon ay tuluyan nang may tiyak na pondo upang masimulan ang VOM. Kailangang-kailangan ito ng mga Bulakenyo dahil bukod sa pagpapakawala ng tubig sa mga dams sa Bulacan, pangunahing dahilan din ng pagbabaha sa lalawigan ay ang regular na pagha-high tide. Pero dahil sa climate change, lumalawak ang sakop ng nalulubog dahil sa high tide. Pero kung may matatag na dike, tiyak na mababawasan o mawawala na siguro ang baha.”
Samantala, bilang tagapangulo ng Regional Infrastructure Committee sa Regional Development Council (RDC), isinumite rin ni Gob. Alvarado kay Pangulong Noynoy ang mga detalye ng panukalang Manila-Bulacan-Pampanga-Bataan Manila Bay Coastal Road na ikakabit sa kasalukuyang Manila-Cavite Coastal Expressway. Layunin ng proyekto na ‘ikulong’ ng isang dambuhalang dike ang buong baybayin ng Manila Bay mula sa Maynila hanggang Bataan, at gawing isang expressway ang ibabaw ng dike bilang ‘dual-purpose’ infrastructure project para sa modernong kalsada at epektibong pangmatagalang flood control. (Shane Frias Velasco)
No comments:
Post a Comment